Pagbaba ng distansya sa pagitan ng mga pasahero sa PUV delikado kung may asymptomatic na pasyente

Nanindigan ang health expert na si Dr. Tony Leachon na hindi dapat ipinatupad ang mas mababang distansya sa pagitan ng mga pasahero ng public utility vehicles (PUVs).

Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni Leachon na umaasa siyang pakikinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opinyo ng mga eksperto.

Paliwanag ni Leachon, hindi makababangon ang ekonomiya ng bansa hangga’t hindi nakokontrol ang virus.

Dapat aniyang kontrolin muna ang paglaganap ng COVID-19 bago gumawa ng mga paraan upang maibangon ang ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, mali aniyang sabihin na kailangan nang itaas ang kapasidad ng mga PUV upang mas maraming makabiyaheng pasahero, mas maraming makapasok sa trabaho at makatulong sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Leachon na kung mayroong asymptomatic na positive sa isang pampublikong sasakyan gaya na lamang ng MRT-3, at tabi-tabi o maliit lang ang distansya ng mga pasahero ay malaki ang tsansa ng hawaan.

At malaking problema ayon kay Leachon ang gagawing contact tracing kung asymptomatic ang pasahero.

Importante pa rin ani Leachon na panatalihin ang 1-meter social distancing anumang uri ng PUV, dahil kaakibat ito ng iba pang health measures gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, at palagiang paghuhugas ng kamay.

 

 

Read more...