Bilyun-bilyong pisong tinapyas sa panukalang budget ng DepEd, ipinababalik

Ipinababalik ni ACT Teachers Rep. France Castro ang bilyun-bilyong pisong binawas sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng House Committee in Appropriations, sinabi ni Education Usec. Annalyn Sevilla na P1.1 trilyon ang orihinal nilang request sa Department of Budget and Management (DBM) pero P605 bilyon lamang ang isinama sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Castro, bagama’t mas mataas ng 9.17 percent ang P605-billion proposed 2021 budget ng DepEd kung ikukumpara sa P512 billion allocation sa taong 2020, kulang aniya ito para sa blended learning operation ng kagawaran sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga apektado ang pondo para sa laptop at television sets na bibilhin at ipapamahagi sana sa mga paaralan na nangangailangan ng P27 bilyon pero P12 milyon lang ang inaprubahan ng DBM.

Hindi naman naisama sa pondo ng kagawaran ang alokasyon para sa internet allowances, medical check up at treatment ng mga guro, ayon kay Sevilla.

Maging ilan sa mga benepisyo ng mga guro tulad na lamang ng World Teachers Day benefits ay inalis na rin sa line items para sa susunod na taon.

Gayunman, sinabi ni Sevilla na nagkakahalaga ng P4 bilyon ang inilaang pondo para sa pagsunod ng DepEd ng minimum health at safety protocols sa pagpapatupad ng blended learning system sa gitna ng pandemya.

Read more...