Metro mayors, balak ang one week closure ng mga libingan

Ikinokonsidera ng Metro Manila mayors ang pagpapasara sa lahat ng mga pribado at pampublikong libingan nang isang linggo kasabay sa paggunita ng Todos los Santos o Araw ng mga Patay.

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia, nagkasundo ang Metro Manila Council at ang mga opisyal ng MMDA na irekomenda sa Inter-Agency Task Force ang ‘one week closure’ ng mga libingan.

“Unanimously, pumayag lahat ng mayors na isara. Na ang pinag-uusapan na lang yung dates. Ang request ng karamihan ay gawing one week ,” sabi ni Garcia.

Katuwiran aniya sa rekomendasyon kung ididikit lang sa October 31 ang pagpapasara, maaaring dumagsa din ang mga dadalaw sa mga puntod bago ang nabanggit na petsa.

Hiniling ng mayors sa mamamayan na ipagdasal na lang ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa kani-kanilang bahay.

Naniniwala din ang mga opisyal na kikita pa rin ang mga nagtitinda ng mga bulaklak at kandila dahil mas matagal ang panahon na maaaring dalawin ang mga puntod.

Read more...