133 pang Filipino abroad, tinamaan ng COVID-19

Nasa 133 ang napaulat na bagong nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang September 14, umakyat na sa 10,314 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 76 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,988 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

121 naman ang bagong gumaling kung kaya 6,554 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, apat naman ang napaulat na nasawing overseas Filipino.

Dahil dito, 772 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,017 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,172 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 805 naman ang kaso sa Americas at 1,320 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...