Karagdagang pondo, hiling ng hudikatura sa Kamara

Humiling ang sangay ng Hudikatura sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng karagdagang pondo para sa susunod na taon na gagamitin para sa adjustments na kailangang gawin sa gitna ng new normal dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Kamara sa 2021 budget ng Judiciary, sinabi ni Court Administrator Atty. Jose Midas Marquez, P43.54 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa budget proposal na P55.88 bilyon kaya naman humiling sila ng dagdag na P6.58 bilyon.

Hindi na aniya nila hihilingin ang nasa P12.34 bilyon na variance sa original request sa pondong nasaad sa National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso ng DBM, kundi tanging ang P6.58 bilyon na lamang.

Sa pagtatanong ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, sinabi ni Marquez na ang dagdag na pondo na kanilang hinihingi ay gagamitin para sa pagpapalakas kanilang information and communications technology (ICT) infrastructure at systems.

Mahalaga aniya ito lalo pa at idinadaan sa videoconferencing ang court hearings dahil sa banta pa rin ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Marquez na magmula noong Marso nang unang ipinatupad ang lockdown, ipinag-utos kaagad ng Korte Suprema ang pagsara ng mga korte at ang lahat ng mga pagdinig at arraignments sa mga kaso ay idinadaan na lamang sa videoconferencing.

Humigit-kumulang 100,000 court hearings ang naisagawa sa buong bansa sa pamamagitan ng videoconferencing at may success rate ito na 87 percent.

Magagawa aniya ito na 100 percent sa tulong ng dagdag na pondo na kanilang hinihingi sa Kongreso.

Sa ngayon, sinabi ni Marquez na mahigit 60,000 persons deprived of liberty (PDL) na ang nakalaya sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng videoconferencing ng mga korte.

Read more...