Mayor Rex Gatchalian, nakakuha ng TRO sa dismissal order sa kanya

Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian

Kinumpirma ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na ini-utos na ng Office of the Ombudsman ang kanyang dismissal sa serbisyo.

Ito’y dahil administratively liable umano siya sa pagkakasunog ng isang factory ng tsinelas sa Valenzuela City na ikinasawi ng pitumpu’t isang katao noong May 2015.

Sa kabila nito, sinabi ni Gatchalian na agad siyang nakahingi ng saklolo sa Court of Appeals, na nag-isyu naman ng temporary restraining order o TRO para ipatigil muna ang dismissal order na pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Nauna nang inilabas ni Senador Francis Escudero na may utos na ang Ombudsman laban kay Gatchalian noong Biyernes, at sinabing ‘politically motivated’ ang pasya ng anti-graft body.

Si Gatchalian ang tagapagsalita ng ka-tambal ni Escudero at standard bearer ng Partido Puso at Galing na si Senadora Grace Poe.

Noong July 2015, kinasuhan si Gatchalian ng paglabag sa Fire Code dahil sa pag-iisyu ng business permit sa Kentex Manufacturing Corporation, sa kabila ng kawalan ng fire safety certificate mula sa Bureau of Fire Protection o BFP.

Pero giit ni Gatchalian, wala raw siyang nilabag sa pagpapahintulot sa Kentex na mag-operate, at ipinunto ang circulars ng Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government at BFP ukol sa paglalabas ng business permits.

 

Read more...