Kita ng PCSO ngayong taon bagsak

Bumagsak ang kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong taon dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng kamara para sa 2021 national budget, sinabi ng PCSO na P9.3B lamang ang kanilang kinita para sa lotto, small town lottery, keno, sweepstakes, at peryahan games na ‘di hamak na mababa sa P63 Billion noong 2018 at P44 Billion noong 2019

Tinatayang aabot naman sa P19.5 Billion ang naluging halaga na sa ahensya.

Bumaba din sa P2.75 Billion ang buwis na na-i-remit ng PCSO sa gobyerno mula Enero hanggang Hulyo kumpara sa P16.9 Billion noong 2018 at P13.5 Billion noong 2019.

Mula naman nang magbukas ulit ang gaming operations nitong Hulyo hanggang Agosto ay umaabot pa lang sa P522 Million ang nalikom na kita ng PCSO.

Umaasa naman ang PCSO na maitataas pa nila sa P6.9 Billion ang kita sa mga games sa mga natitirang buwan ngayong taon.

Mula kalagitnaan ng Marso hanggang kalagitnaan ng Hulyo ay pansamantalang sinuspinde ang gaming operations bilang pagsunod sa community quarantine.

 

 

 

Read more...