Nahatulang guilty ng Olongapo Refional Trial Court si Pemberton sa kasong pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dahil absolute pardon ang ibinigay ni Pangulong Duterte, maaaring umuwi na sa Amerika si Pemberton.
“Pwede na po siyang umuwi dahil meron na po siyang pardon,” pahayag ni Roque.
“Ibig sabihin po niyan, makalalaya na si Pemberton, wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA, wala na pong issue kung applicable sa kanya yung batas dahil hindi siya nakulong sa national penitentiary. Binura na po ng Presidente kung ano pa yung parusa na dapat ipapataw kay Pemberton,” pahayag ni Roque.
Pero bagamat binigyan ng pardon, iginiit ni Roque na hindi naman mabubura ang katotohanan na na-convict si Pemberton sa pagpatay kay Laude.
“Ang ‘di po nabura ng Presidente, yung conviction ni Pemberton, mamatay-tao pa rin po siya, pero kung ano yung karagdagang parusa pa, binura na ng Presidente,” pahayag ni Roque.
Hindi rin aniya dapat na kwestyunin pa ang desisyon ng Pangulo dahil saklaw ito ng kanyang kapangyarihan.
“Hindi na po kinakailangang bigyang dahilan ng Presidente yan dahil yung pag grant po ng pardon at parole, yan naman po ang ating sinasabi na hindi po yan katungkulan ng hudikatura, kung di katungkulan ng ehekutibo. Yan ay one of the most presidential of all presidential powers, the grant of pardon and parole,” pahayag ni Roque.
Nanindigan naman ang Palasyo na bagamat binigyan ng pardon, hindi naman nababago ang paninindigan ni Pangulong Duterte kontra sa Amerika.
“Hindi naman sa anti US ito eh, siya ay para po sa independiyenteng foreign policy, kaibigan ng lahat, walang kalaban,” pahayag ni Roque.
Inanunsiyo rin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang pagbibigay ng pardon sa pamamagitan ng kaniyang Twitter account.
“Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control-and to do justice-the President has granted an absolute pardon to Pemberton. Here at the Palace,” nakasaad sa tweet ni Locsin.