Ito ang inanunsiyo ni Philippine National Police o PNP Chief Camilo Cascolan at aniya, ang mga kaso ay base sa pag-iimbestiga ng Internal Affairs Service.
Ang mga kinasuhan ay sina Senior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri; Master Sgt. Hanie Baddiri; Staff Sgt. Iskandar Susulan; Staff Sgt. Ernisar Sappal; Cpl. Sulki Andaki; Pat. Moh. Nur Pasani; Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan; at Pat Rajiv Putalan.
Dahil naman sa command responsibility policy, nahaharap din sa mga kasong administratibo sina Police Lt. Col. Michael Bayawan, Jr., Sulu police chief; Maj. Walter Annayo, Jolo police chief; at Capt. Ariel Corsino, namumuno sa Sulu police drug enforcement unit.
Ang siyam ay una nang sinampahan ng National Bureau of Investigation o NBI ng mga kasong murder at planting evidence.
Magugunitang pinatay ng siyam sina Army Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula.
Nangyari ang pagpatay sa apat, ayon sa AFP, bago ang paghuli sa dalawang babaeng suicide bombers, na itinuturong responsible sa magkasunod na pagsabog sa Jolo noong nakaraang buwan na ikinamatay ng 15 katao, karamihan ay mga sundalo at pulis.