Pasay City Mayor Calixto-Rubiano, ibinida ang COVID-19 tracer app

Ipinagmalaki ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang nabuo nilang QR Code COVID-19 Tracer App sa National Task Force Against COVID-19 – Coordinated Operations to Defeat Epidemics (NTF – CODE) team sa pangunguna ni Presidential spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Calixto-Rubiano, malaki ang maitutulong ng app, na magagamit ng mga residente ng lungsod, gayundin ng mga establisyemento para mapagbuti pa ang kanilang contact tracing efforts.

Paliwanag ng opisyal, sa pamamagitan ng tracer app, magkakaroon ng real time update sa mga impormasyon at datos sa kanilang Contact Tracing Command Center (CTCC) sa tuwing gagamitin ang QR code sa anumang establisyemento at may magfi-fill up ng Contact Tracing Form (CTF).

Dagdag pa nito, sa tuwing papasok sa anumang establisyemento na may QR code ang nakapagsumite na ng Contact Tracing Form, hindi na ito kailangan pang mag-fill up muli ng CTF.

Sinabi pa ni Calixto-Rubiano na bukod sa contactless and one-time registration, ang kanilang advanced digital tracer app ay internet-based, may geo-location capability, may regular update sa command center ng lokasyon ng residente at nakakasunod ito sa health safety protocol.

Ayon pa sa opisyal, kakausapin niya ang kanilang Sangguniang-Panglungsod na magpasa ng ordinansa para maging mandatory sa mga establismento sa Pasay City na gamitin at i-display ang Pasay QR Code COVID-19 Tracer App para sa contact tracing.

Read more...