Health related bills kailangang maipasa na ayon kay Sen. Bong Go

Isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go na maipasa na ang mga nakabinbing panukalang batas na may kaugnayan sa health kalusugan.

Ito ay para mapalakas pa ang healthcare system ng bansa ngayong may COVID-19 pandemic.

Si Go ay mayroong mga health-related bills na nakabinbin sa senado.

Kabilang dito ang Medical Reserve Corps Act, Barangay Health Workers Act, Advanced Nursing Education Act, Mandatory Quarantine Facilities Act, DOH Hospitals Rationalization Act, at An Act Expanding the Coverage of Mandatory Basic Immunization Program.

“Habang kasalukuyang ginagawa ng gobyerno ang lahat para malampasan ang krisis na ito, ako naman, bilang isang legislator, naghain ako ng mga panukalang batas para mas mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa ating bansa. Ito ay para maging mas handa tayo sa kahit anumang krisis na darating,” ayo kay Go.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Go ang mga mamamayan na anumang oras ay maari silang humingi ng tulong sa Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong nakaraang taon nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Republic Act 11463 o Malasakit Centers Act of 2019.

Sa ilalim ng nasabing batas, kailangang magkaroon na ng Malasakit Centers sa lahat ng Department of Health-hospitals at sa Philippine General Hospital (PGH) para mabigyan ng madaling access sa health care ang mga Filipino.

“Dati, hindi pa po ito batas. Ngayon, batas na kailangan nang magkaroon ng Malasakit Center sa mga DOH-run hospitals, at ang mga local government hospital, meron lang requirements [para magkaroon sila ng Malasakit Centers],” dagdag ng senador.

Maliban sa Malasakit Center, si Go din ang instrumento ng local hospital bills na nagpalawig sa bed capacity at kakayahan ng maraming osptal sa bansa.

“Kailangan po ito ngayon dahil mas marami po ang mga pasyente. Sa pag-iikot ko po sa mga ward, kulang na kulang ang kama. Sa isang kama, dalawa ang pasyente. Paano gagaling ang pasyente kung dalawa sila sa isang kama? Mahirap po talaga ang sitwasyon,” saad ni Go.

Magugunitang naipasa na din bilang ganap na batas ang RA 11470 na nagtatatag ng National Academy of Sports.

“Ang mga bills ko po na naipasa na, ang National Academy for Sports kung saan po isang lugar kung saan makakapag-training at mag-aaral ang mga estudyante. ‘Di na maisasakripisyo ang training at pag-aaral dahil sabay na nila itong magagawa,” dagdag ni Go.

Naisabatas na din ang panukalang batas ni Go na magpapaliban sa Baranggay at Sangguniang Kabataan elections.

Inihain din ni Go ang SB 200 na nagkaloob ng salary increase sa civilian employees.

“Meron po akong na-file na E-governance Act of 2020. Itong plano natin dito ay i-digitalize ang transactions sa gobyerno para mabawasan ang red tape. Kasi kadalasan, ‘pag nagpa-follow up, natatagalan dahil ‘di naka-online. Kailangan pa nilang pumila. Kung pwede nating i-online ang government transactions, mababawasan ang red tape at mababawasan ang hawahan dahil ‘di pa normal ang sitwasyon ngayon,” ayon pa kay Go.

Kasabay nito pinaalalahanan ni Go ang publiko na panatilihin ang bayanihan spirit ngayong panahon ng krisis.

“Sa mga kababayan ko, sana po magtulungan po tayo. Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo lang po. Kung mag-aaway-away pa po tayo, wala pong mangyayari sa atin, ‘Wag na muna nating haluan ng pulitika ang pandemya dahil wala na tayong pag-uusapang pulitika‘ pag di natin nalampasan ang krisis na ito. Magtulungan muna tayo. Unahin natin ang interes, kapakanan, at buhay ng mga Pilipinong pinagsisilbihan natin,“ ayon pa sa senador.

Read more...