Gusto ni Joint Task Force COVID Shield commander, Police Lt. General Guillermo Eleazar na pagmultahin at parusahan ng community service ang mga lalabag sa quarantine at curfew protocols.
Katuwiran ni Eleazar, makakabuti na ito kaysa arestuhin at sama-samang ikulong ang mga lumalabag kung saan ay delikado pang magkahawaan ng sakit.
Aniya, aarestuhin lang at sasampahan ng kaso ang mga lumalabag kung manlalaban sila o babastusin ang awtoridad.
Sabi pa nito, marami sa mga barangay at LGU ay walang detention facility at ang mga kulungan naman ng mga pulis ay siksikan na rin ang karamihan.
Hindi na rin aniya dapat bigyan pa ng babala ang mga mahuhuling violator dahil limang buwan nang ipinatutupad ang curfew at quarantine protocols.
Dagdag pa ni Eleazar, sa community service makakatulong pa ang violators sa paglilinis at pagpapaganda ng kanilang komunidad.
Samantala, ang malilikom naman na multa ay maidadagdag pa sa pondo sa pakikipaglaban ng gobyerno kontra COVID-19.