Drayber na nakabangga at nakapatay sa isang nurse sa Maynila, sumuko na

Sumuko na ang hit-and-run suspect sa pagkasagasa at pagkamatay ng nurse frontliner na si Renz Jayson Perez.

Boluntaryong sumuko si Mohamad Ali Sulaiman sa tanggapan ni Mayor Isko Moreno.

Sa Facebook live ng alkalde, humingi ng paumanhin ang drayber sa pamilya ng 23-anyos na biktima dahil sa nangyaring insidente.

Natakot aniya siya kung kaya hindi siya agad lumitaw.

Sinabi nito na aksidente ang nangyari at handa siyang harapin ang mga kaukulang kaso bunsod nito.

Matatandaang nagbibisiklete si Perez sa bahagi ng Padre Burgos at Maria Orosa Streets nang mabangga ng itim na pickup truck.

Kasama ni Sulaiman na humarap kay Moreno ang kaniyang kapatid na babae at may-ari ng itim na Mitsubishi pick-up na si Atty. William Delos Santos, at Metro Manila Muslim Community for Justice and Peace chairman Datu Basher ‘Bong’ Alonto.

Read more...