Sa tropical cyclone advisory ng PAGASA, huling namataan ang Typhoon Haishen sa layong 1,695 kilometers Silangan ng Extreme Northern Luzon bandang 10:00 ng umaga.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Inaasahang papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng umaga, September 4, at tatawagin itong “Kristine.”
Hindi naman direktang makakaapekto ang bagyo sa lagay ng panahon sa bansa.
Magiging malayo pa rin ang bagyo sa kalupaan ng bansa at tatahakin nito ang southern Japan at Korean Peninsula pagkalabas ng bansa.