Unang batch ng mga OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi, nakabalik na ng bansa

OFWsNakabalik na sa bansa ang unang batch ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia matapos ma-bankrupt ang pinagtatrabahuhan nilang kumpanya at magsara.

Sakay ng Etihad Airways galing Abu Dhabi ang labingisang OFWs nang dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.

Ayon sa isa sa mga OFWs na si Plaridel Arellano, 62-anyos, at residente ng Bataan, 26 na taon na siyang nagtatrabaho sa Saudi pero napilitan siyang umuwi matapos ma-terminate at hindi na ma-renew ang kaniyang kontrata.

Karamihan aniya sa mga apektadong OFWs ay nagtatrabaho sa Mohammad Al-Mojil na isang malaking construction company sa Saudi Arabia na nagpatupad ng lay off sa maraming OFWs.

Nalugi kasi aniya ang nasabing construction company dahil sa kabiguan ng Saudi Government na bayaran ang pagkakautang nito sa kumpanya.

Ayon kay Yoly Peneranda, pinuno ng repatriation division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may mahigit 300 OFWs pa na babalik sa bansa na pawang nawalan ng trabaho mula sa naturang kumpanya.

Read more...