‘Huwag niyong sindakin ang mga mangingisda gamit ang Navy’ – US sa China

INQUIRER FILE PHOTO
INQUIRER FILE PHOTO

Pinagsabihan ng Estados Unidos ang China na huwag gamitin ang kanilang Navy para sindakin ang mga fishing vessels mula sa ibang bansa sa pinagta-talunang bahagi ng South China Sea.

Ayon kay US State Department spokesperson Mark Toner, hindi lingid sa kanilang kaalaman ang mga ulat tungkol sa mga barko ng China na lumiligid-ligid sa Jackson Atoll, o Quirino Atoll sa Spratly Archipelago.

Aniya, hindi nila gusto ang paggamit ng China sa kanilang Navy para manakot ng mga bangkang pangisda sa rehiyon.

Matatandaang naiulat kamakailan na may mga namataang hindi bababa sa limang barko ng China sa Quirino Atoll, kaya hindi makapalaot sa lugar ang mga Pilipinong mangingisda.

Kinumpirma naman ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na bagaman may nakarating sa kanila na ulat tungkol sa mga barko ng China doon, wala naman na ang mga ito pagdating ng Miyerkules ng hapon.

Read more...