Sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 11:00 ng umaga, huling namataan ang bagyo sa layong 760 kilometers Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan bandang 10:00 ng umaga.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 170 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa ang bagyo sa susunod na 24 hanggang 48 oras.
Base sa forecast track, mananatiling malayo ang bagyo sa kalupaan ng bansa.
Dahil dito, wala pa ring nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang bahagi ng bansa.
Sinabi ng weather bureau na inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Lunes ng gabi o Martes ng madaling-araw.
Samantala, bunsod ng outer rainbands ng bagyo, posibleng makaranas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Bicol Region, at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Catanduanes.
Kaparehong lagay ng panahon din ang maaaring umiral sa Pangasinan, Zambales, at Bataan dulot naman ng Southwest Monsoon.