Bagyong Julian, mabagal pa rin ang pagkilos – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA website

Mabagal pa rin ang pagkilos ng Severe Tropical Storm Julian sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA weather specialist Loriedin De La Cruz, huling namataan ang bagyo sa layong 770 kilometers Silangan ng Casiguran, Aurora bandang 4:00 ng hapon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometers per hour.

Mabagal aniya ang pagkilos ng bagyo sa direksyong Hilagang-Kanluran.

Wala pa rin aniyang lugar sa bansa na itinaas sa tropical cyclone wind signal.

Ito ay dahil hindi aniya direktang apektado ng bagyo ang anumang parte ng bansa.

Gayunman, ang buntot ng bagyo at Southwest Monsoon o Habagat ang nagdudulot ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa malaking bahagi ng Luzon at Eastern Visayas.

Partikular na maaapektuhan aniya nito ang Metro Manila, Ilocos region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol region, CALABARZON, MIMAROPA, Mindoro at sa Marinduque.

Sa bahagi naman ng Visayas, magiging maulap din ang kalangitan sa Samar provinces.

Sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao, magiging maaliwalas naman ang papawirin at posibleng pag-ulan dulot ng thunderstorm.

Read more...