Ilang dating Kongresista at JLN muling isinabit ng Ombudsman sa pork scam

conchita-carpio-morales
Inquirer file photo

Iginiit ng Office of the Ombudsman na may probable cause para kasuhan ang limang dating miyembro ng mababang kapulungan kaugnay sa maanomalyang paggamit ng kanilang Priority Development Assistance o PDAF fund.

Sa limang magkakahiwalay na kautusan, ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng mga kasong katiwalian, malversation at direct bribery laban kina dating Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, Oriental Mindoro Rep. Rodolfo Valencia, Davao Del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV at Davao Del Norte Rep. Arthur Pingoy Jr.

Kasama rin sa mga pina-aasunto sina dating Energy Regulatory Commission Chair Zenaida Ducut at mga opisyal ng Budget Department, Technology Resource Center, National Business Corporation at ilang kinatawan ng non-government organizations kasama  na si Janet Lim-Napoles na itinuturong utak ng pork barrel scam.

Ibinasura ng Ombudsman ang ilang motion for reconsiderations ng mga nabanggit na opisyal dahil sa kakulangan ng merito at mas binigyan diin ang testimoniya ng mga whistle blowers dahil tumugma ito sa report ng Commission on Audit (COA).

Ilan lang sa mga sinasabing bogus NGOs na pinondohan ng pork barrel ng mga dating mambabatas ay ang Philippine Social Foundation Inc., Masagang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc.; People Organization for Progress and Development Foundation Inc., Social Development Program for Farmers Foundation Inc.; at Countrywide Agri and Rural Economic Development.

Sinabi ng Ombudsman na tumanggap ang mga opisyal ng kickbacks o komisyon mula sa pagpopondo sa mga ‘ghost projects.’

Kasabay nito, ipinag-utos din niya ang pagsusumite ng mga resolusyon kaugnay sa limang kaso sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para maimbestigahan din sila sa posibleng paglabag sa anti-money laundering act.

Read more...