Matapos patawan ng mabigat na parusa ng UN, North Korea muling nagpakawala ng missile

AP Photo
AP Photo

Ilang oras matapos ipataw ng United Nations ang maituturing na pinakamabigat na parusa sa North Korea, muli itong nagpakawala ng short-range missiles.

 

Sa ulat ng Yonhap News, patungo sa direksyon ng East Sea ang pinakawalang missile ng North Korea.

 

Ayon kay South Korean ministry spokesman Moon Sang-Gyun, pinakawalan ang missile alas 10:00 ng umaga at patungo sa direksyon ng karagatan ng Japan. “The North fired several short-range missiles into the East Sea (Sea of Japan) at 10:00am,” ayon kay Sang-Gyun.

 

Inaalam pa ng mga otoridad kung anong uri ng mga missile at ilan ang pinakawalan ng North Korea pero ang lahat ng ito ay bumagsak umano sa tubig.

 

Ang panibagong pagpapakawala ng missile ay ginawa ng North Korea ilang oras matapos silang patawan ng mabigat na parusa ng United Nations dahil sa pagsasagawa ng nito ng ikaapat na nuclear test at rocket launch kamakailan.

 

Kabilang sa parusa ang pagpapataw ng bagong requirement sa lahat ng mga bansa na dapat busisiin at isailalim sa mahigpit na pagsusuri ang lahat ng cargo na patungo at galing sa North Korea.

 

Nakasaad din sa resolusyon ang pagpapataw ng ban sa North korea na makapag export ng coal, iron at iron ore at iba pang mineral. Pinagbawalan din itong mag-supply ng aviation fuel kabilang ang rocket fuel.

 

 

Read more...