Sa pagdinig ng 3rd division kahapon, humirit ang prosekusyon na mabigyan sila ng sampung araw para makapaghain ng komento hinggil sa motion for judicial determination of probable cause ni Binay.
Nasermunan tuloy ni Associate Justice Samuel Martirez ang prosekusyon dahil sa kabiguan na maiprisenta ng buo ang mga dokumento gaya ng plano at specifications ng Makati Carpark Building.
Tanong ni Martirez, hindi ba dapat akusahan ang Ombudsman ng contempt dahil sa pagtatalaga ng mga abogado na walang hawak na mga dokumento.
Ang abogado naman ni Binay na si Atty. Claro Certeza ay humingi rin ng sampung araw upang masagot ang isusumiteng komento ng prosekusyon.
Sinabi naman ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Tang, kapag natapos na ang palitan ng komento at sagot ng dalawang panig sa loob ng 20-days, submitted for resolution na ang mosyon ni Binay.
Ang motion for determination of probable cause ni Binay ay inihain noong nakalipas na linggo, nang maglagak siya ng piyansa na 204,000 pesos.
Sa mosyon, sinabi ni Binay na walang basehan ang kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya dahil wala siyang kinala,an sa pasya ng bids and awards committee para sa paggawad ng kontrata para sa kontrobersyal na Makati Carpark Building.
Hindi rin daw nakasaad sa kaso na may nagawa siyang in bad faith at gross inexcusable negligence ukol sa kontrata.