Textbook na may ‘misinformation’ tungkol sa martial law, pinapa-recall ng Anakbayan sa DepEd

textbook martial lawHinimok ng isang militanteng grupo ng mga kabataan ang Department of Education (DepEd) na imbestigahan at i-recall ang mga textbooks na naglalaman umano ng mga maling impormasyon at detalye ng kasaysayan noong panahon ng martial law sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Kumalat sa social media ang litrato ng ilang pahina mula sa aklat na “Lakbay ng Lahing Pilipino 5” sa patnugot nina Ailene G. Baisa at Nestor S. Lontoc ng Phoenix Publishing House.

Partikular na binatikos ng grupong Anakbayan ang mga pahinang 350-351 ng bahagi ng aklat na may pamagat na “Mga Pangyayaring Nagbigay-daan sa Pagtatakda ng Batas-Militar.”

Binanatan ni Anakbayan chairperson Vencer Crisostomo si Pangulong Aquino sa mga patutsada niya sa pamilya Marcos, gayong ang dapat naman talagang sisihin sa mga kasinungalingan anila ay ang DepEd na hawak ng Pangulo.

Ipinagmalaki kasi sa libro ang mga nagawa ng dating diktador Ferdinand Marcos sa agrikultura at ekonomiya ng bansa bago nito ideklara ang martial law.

“’Di maitatatwang ang mga programa ni Marcos, gaya ng programa na ng iba pang mga pangulo ng Ikatlong Republika ay nakasentro sa pagkakamit ng kaunlarang pangkabuhayan. Ang unang termino ng pangasiwaan ni Marcos ay sadyang natatangi. Sa kauna-unahang pagkatataon, mula noong 1870, ang Pilipinas ay nakapag-ani ng higit sa pangangailangan ng bansa, kaya ang labis na ani ay ipinagbili sa ibang mga nasyon. Noong mga huling bahagi ng dekada ’60, ang Pilipinas ay nakilala bilang isa sa mga nagungunang bansa sa Asya sa larangan ng ekonomiya,” nakasaad sa litrato ng pahinang kumakalat sa internet.

Dagdag pa dito, “Ngunit noong sumunod na mga taon, sanhi ng sunod-sunod na baha at bagyong humagupit sa bansa ay unti-unti na namang lumiit ang ani. Bunga nito, noong ikalawang termino ng pamumuno ni Marcos ay naharap siya sa maraming suliranin… Naniniwala si Marcos na hindi malulunasan ang malubhang suliranin ng bayan, kaya’t kinakailangan ng paggamit ng walang pasubaling kapangyarihan.”

Ayon sa Anakbayan, mapanlinlang ang mga nakasaad sa aklat na para bang ikinakatwirang pata sa kabutihan ng buhay ng mga Pilipino ang pagde-deklara ni Marcos ng martial law.

Ni hindi anila binanggit sa aklat ang hirap na dinanas ng mga Pilipino nang isa-ilalim sa batas-militar ang bansa.

Dahil dito nanawagan si Crisostomo sa DepEd at sa administrasyong Aquino ang pag-iimbestiga sa nasabing librong ginagamit sa mga paaralan, kasabay ng babala na makalimutan ng mga susunod henerasyon ng Pilipino ang mga totoong nangyari sa kasaysayan.

Ani pa Crisostomo, hindi na siya nagtataka kung bakit maraming agad na naniniwala sa mga kasinungalingan ng kampo ni Marcos para mangalap ng suporta sa kandidatura ni Sen. Bongbong Marcos bilang pangalawang pangulo.

Read more...