Bagyong Falcon, papasok sa PAR ngayong hapon

Chan Hom 5am
Mula sa website ng Pagasa

Nasa typhoon category na ang bagyong Falcon na papasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR.

Ayon sa Pagasa ang bagyo na nasa labas pa ng PAR ay huling namataan sa layong 1,620 kilometers sa silangang bahagi ng Luzon.

Taglay ng bagyong Falcon ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometers kada oras.

Sa weather bulletin ng Pagasa, inaasahang mamayang hapon o gabi ay papasok ng bansa ang bagyong Falcon.

Samantala, dahil sa habagat na pinalalakas ng bagyong Egay, itinaas ng Pagasa ang heavy rainfall warning sa Zambales at Tarlac.

Sa ilalim ng yellow warnig binalaan ng Pagasa ang mga residente sa dalawang lalawigan sa posibilidad na pagbaha.

Nagbabala rin ng pag-ulan ang Pagasa sa bahagi ng Jala-Jala sa Rizal at sa ilang bahagi ng Laguna at Quezon dahil sa umiiral na thunderstorm.

Ang bagyong Egay naman ay nakalabas na ng bansa, alas 9:30 ng umaga. Dahil dito, inalis na ng Pagasa ang mga itinaas na Public storm warning signals sa ilang lalawigan sa bansa./ Erwin Aguilon, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...