Pinatanggal ng Cebu City Government ang billboards ni Vice Ganda na ipinaskil sa lungsod bilang promosyon para sa magaganap na concert nito.
Ayon kay Cebu City Administrator Lucelle Mercado, na siyang ring Chairperson ng Cebu Anti-Indecency Board, maituturing na “sexually suggestive” ang billboard ni Vice Ganda kung saan makikita itong nakasuot ng kulay pula na gown na mababa ang neck line at napapaligiran siya ng mga matitipunong lalaki na walang suot na pang-itaas.
Sinabi ni Mercado na nakatanggap siya ng reklamo kaugnay sa nasabing billboard ni Vice Ganda.
“It is sexually suggestive. The board hasn’t met yet about it but as chairman of CCAIB, I already took action. We don’t want to just wait since there are already a lot of people who’ve seen that,” sinabi ni Mercado sa panayam ng Cebu Daily News.
Agad namang tumalima ang concert organizer na TSE Live Inc. at inalis ang billboards. Ayon sa TSE, ang nasabing larawan na ginamit sa billboards ay mula sa ABS-CBN na home network ni Vice Ganda.
Ang nasabing concert ay magaganap sa July 19, Linggo na may titulong “Vice Gandang Ganda sa Sarili sa Cebu (Eh di Wow!)”.
Sinabi pa ng TSE na may dalawang linggo na umanong nakapaskil ang mga billboards sa lungsod, at mabilis nila itong pinatanggal matapos matanggap ang kautusan ng CCAIB.
Pinag-aaralan pa ng promoters ng show kung maglalagay sila ng bagong billboards na may bagong imahe.
Ang dalawang inalis na billboard ay nakalagay sa bahagi ng Juan Luna Ave. at sa Barangay Kamputhaw./ Cebu Daily News