Buksan ang mga airport, seaport para sa Filipino seafarers – Sen. Villanueva

Joel Villanueva Facebook

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa gobyerno na magbukas pa ng mga karagdagang airport at seaport para sa Filipino seafarers.

Ayon kay Villanueva, nanganganib na maraming marinong Filipino ang mawawalan ng trabaho dahil sa limitadong galaw.

Binanggit ng senador na marami nang international manning agencies at shipping companies ang nagdadalawang isip na kumuha ng Filipino seafarers dahil sa hirap na pagpapalit ng mga tripulante.

Nangangamba si Villanueva na dalawang taong mahihirapan ang mga marinong Filipino kung limitado lang ang bilang ng mga bukas na airports at seaports sa bansa.

“Dahil po sa limitadong pagbyahe at iba pang mga pagbabawal sa transportasyon, pahirapan po maka-alis ang ating mga seafarer para palitan ang mga kasamahan nila na kasalukuyang naglalayag, at hirap din makauwi sa kanilang pamilya ang mga bumaba sa kanilang barko. Kailangan po ng mga barko na magsagawa ng crew change para masigurong patuloy ang kanilang operasyon ng maayos at makapag-pahinga ang ating mga seafarer,” aniya.

Nabatid na 25 porsyento ng 1.5 milyong marino sa buong mundo ay mga Filipino.

Read more...