Nanawagan na ang Joint Task Force Covid Shield sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang pagpapatupad ng quarantine protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Task Force commander, Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ito ay bunsod nang paglobo sa 338,294 ang nahuling community quarantine violators.
Diin nito, malaking tulong ang mga barangay tanod sa pagbabantay para masunod ang quarantine protocols kasama na ang minimum safety protocols, tulad ng pagsusuot ng masks at social distancing.
Ibinahagi ni Eleazar na sa bilang ng mga lumabag, 149,653 ang nabigyan ng warning; 96,043 ang pinagmulta at 92,598 ang nakasuhan simula nang ipatupad ang community quarantine noong Marso.
Aniya, sa natirang bilang 198,394 ang mga taga-Luzon na lumabag, 74,871 sa Visayas at 65,029 naman sa Mindanao.