Magnitude 7.9 na lindol, naramdaman sa Sumatra

sumatra(Update) Niyanig ng magnitude 7.9 na lindol ang isla ng Sumatra sa Indonesia dakong alas-7, Martes ng gabi.

Una nang nag-labas ang lokal na ahensya ng early tsunami warning para sa ilang bahagi ng Sumatra kabilang na ang West Sumatra, North Sumatra at Aceh, pero agad rin itong ni-lift ng National Meteorological Agency.

May lalim na 10 kilometro ang naitalang lindol ayon sa U.S. Geological Survey, pero wala namang naitalang mga pinsala, at maliit rin lang anila ang posibilidad na magkaroon ng tsunami.

Namataan ang epicenter ng lindol sa 808 kilometro timog-kanluran ng Padang, Indonesia kung saan pinaka-naramdaman ang lindol na tumagal ng ilang segundo.

Bahagyang nag-panic ang mga residenteng nakaramdam ng lindol, ngunit oras na na-activate ang tsunami sirens, kusa nang lumikas ang mga residente sa mas matataas na lugar.

Naramdaman rin ang pag-yanig sa ilang bahagi ng Singapore, tulad na lang sa East Coast, Bishan, Ang Mo Kio at Sengkang.

Nag-labas rin ang Australia ng tsunami warning sa Cocos at Christmas Island, at binalaan ang mga nasa beach na umahon muna at lumayo sa pampang dahil sa posibilidad ng malalakas na alon.

Read more...