Pagsasapribado sa PhilHealth, isinusulong sa Kamara

Isinusulong ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasapribado na ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Base sa House Bill 7429 o Social Health Insurance Crisis Act na inihain ni Quimbo, nakasaad na binibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na i-privatize ang buong PhilHealth o ang ilang segments nito.

Dahil aniya sa krisis na kinakaharap ng state health insurer kaya dapat nang gamitin ang expertise ng private sector upang mapakinabangan ng maayos ang salaping ikinakaltas sa mga manggagawa.

Lilikha sa ilalim ng panukala ng Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission upang ayusin ang loob ng korporasyon.

Inirerekomenda rin ang pagbuo ng Transition Management Team sa pagitan ng private corporation o management consultancy firm na siyang magpapatupad ng national insurance program salig sa Universal Health Care Law.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo na bumuwag o bumuo ng opisina sa PhilHealth, maglipat ng tungkulin, magtaas ng sahod kung nararapat, magpatupad ng mga polisiya upang makatipid at iba pang mga paraan na magpapahusay sa sistema ng social health insurance para sa mga Filipino.

Read more...