Koleksyon ng PhilHealth sa mga OFW, bumagsak

Bumagsak ang koleksyon ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Sa joint hearing ng House Committee on Public Accounts at House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Philhealth Senior Manager for Overseas Filipino Program Chona Yap na 320,000 na lamang na mga OFW ang nagbibigay ng kanilang kontribusyon.

Ito aniya ay mula sa tatlong milyon na nasa kanilang database.

Pinuna naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang mababang collection rate ng PhilHealth dahil noong 2010 ay nasa 767,000 OFWs pa ang nagbabayad ng kontribusyon at bumagsak ito ngayon sa halos kalahati.

Lumalabas sa pagdinig na mas mataas ang claims ng OFWs kumpara sa kanilang kontribusyon tulad noong 2019 na nasa P1.02-billion premium collection sa OFWs pero umabot naman sa P1.7 billion ang kanilang claims.

Aminado naman si Yap na hirap silang mangolekta sa mga OFW dahil sa kawalan ng mga opisina o representatives sa ibang mga bansa.

Paliwanag ni Yap, mayroon lamang silang limanh accredited collecting agents sa ibang mga bansa at partners na local agents na kung saan doon nagbabayad ang mga OFW.

Bukod dito, 2015 pa lamang ay hindi na inoobliga ang mga OFW na bayaran ang kanilang mga premium bago makakuha ng overseas employment certificate (OEC) para makapagtrabaho abroad.

Read more...