COVID-19 testing ng mga empleyado, dapat sagot ng PhilHealth – Sen. Villanueva

Joel Villanueva Facebook

Nakikitang opsyon ni Senator Joel Villanueva para sa COVID-19 testing ng mga empleyado ay bayaran ito ng PhilHealth.

Katuwiran ni Villanueva, nagbabayad ng kanilang premium ang mga empleyado kada buwan kayat nararapat lang na sagutin ng PhilHealth ang testing.

Una nang iginiit ng senador sa gobyerno na dapat ay sumailalim sa regular random testing ang mga empleyado base sa datos ng Department of Health (DOH) na maraming COVID-19 patients ngayon ay nasa ‘working age groups.’

Ibinahagi nito na sa datos ng DOH hanggang noong Agosto 15, pinakamaraming kaso ng infections sa bilang na 39,358 sa 20-29 age group; 37,087 naman sa 30-39 age group, sa 40-49 age group ay may 25,687 at 19,404 sa mga may edad 50 hanggang 59.

Pagdidiin nito, “dapat kasama po sa pagpayag ng pagbubukas ng negosyo ang pagsasagawa ng regular at random testing sa mga opisina at lugar-paggawa upang agad matunton ang mga may sakit at kaagad sila ma-isolate para hindi makahawa.”

“Huwag na po natin antayin na lumala ang pagkalat ng sakit sa mga lugar-paggawa bago po tayo umaksyon,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Labor.

Naalarma si Villanueva sa cumulative COVID-19 positivity rate sa Pilipinas dahil higit 10 porsyento na ito.

Base sa World Health Organization (WHO), sa positivity rate na mababa sa limang porsyento ay indikasyon na ‘under control’ ang epidemya.

Read more...