Sinabi ni Tolentino na dapat ay dagdagan ang renewable energy projects sa bansa habang nagbabawas ng fossil fuel plants.
Ani Tolentino, may mali kung ang isang bansa na katulad ng Pilipinas na likas na mayaman sa renewable energy katulad ng wind, solar, hydro at biomass ay mas umaasa pa rin sa uling at krudo, mga fossil fuels na nagpapalala ng polusyon.
Bagamat pinuri ni Tolentino ang pag-arangkada ng batas sa administrasyon ni Pangulong Aquio, malayo pa aniya at kulang na kulang ang ambag ng renewable energy sa enerhiya ng bansa kumpara sa krudo at uling.
Sa datos ng Greenpeace, higit sa one-third ng kuryenteng ginagamit ng Pilipinas ay galing sa pagsunog ng uling.
Sa kasalukuyan mayroong 17 coal plants ang gumagana sa bansa bukod pa sa 29 na aprubado ng Department of Energy (DOE), na magsisumulang tumakbo lahat sa taong 2020.
Sinabi rin ng Greenpeace na sa isang pag-aaral, aabot sa 2,410 premature deaths kada taon dahil sa stroke, heart at iba pang cardiovascular diseases at respiratory illnesses mula sa air pollution ang maidudulot ng pagdami ng coal power plants sa Pilipinas.
Dahil dito, hinimok ni Tolentino ang gobyerno at pribadong sector na patuloy na mamuhunan sa renewable energy upang tugunan ang krisis na dulot ng climate change bukod pa sa makatutulong ito sa ekonomiya dahil sa dagdag na trabaho.