Lider ng Abu Sayyaf na si Abuljihad Susukan, inaresto ng PNP sa bahay ni Nur Misuari

Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang notoryus na lider ng Abu Sayyaf na si Anduljihad “Idang” Susukan.

Si Susukan ay nai-turnover sa PNP sa tulong ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari.

Sa kaniyang pahayag nagpasalamat si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa kay Misuari sa tulong nito para maisuko si Susukan.

Nakipag-negosasyon aniya si Misuari kay Davao City Police Dir. Col. Kirby John Kraft.

Sa bahay mismo ni Misuari sa isang subdivision sa Davao City ginawa ang pagsuko sa lider ng Abu Sayyaf.

Kwento ni Gamboa, sinimulan ang negosasyon matapos matukoy na si Susukan ay dinala sa Davao City para magpagamot.

Sasailalim muna sa medical check-up si Susukan sa Camp Quintin Merecido Hospital sa Davao bago ito ilipat sa headquarters ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Si Susukan ay mayroong warrant of arrest para sa 23 kaso ng murder, limang kaso ng kidnapping and serious illegal detention, at anim na kaso ng frustrated murder.

Wanted din si Susukan sa Pilipinas at Malaysia sa kidnapping na naganap sa east coast mg Sabah noong 2013 at iba pang krimen sa Jolo, Sulu.

 

 

 

 

 

Read more...