DSWD, nagbabala vs pekeng social media pages, groups ukol sa SAP

Nagbabala sa publiko ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga social media page at groups na nagbabahagi ng mga pekeng impormasyon ukol sa Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa kagawaran, maaaring ginagamit ang mga pekeng page at group para maghatid ng maling impormasyon sa publiko o kumuha ng mga personal na impormasyon upang magamit ng online scammers sa pagnanakaw.

Dahil dito, pinayuhan ng DSWD ang publiko, lalo na ang mga benepisyaryo ng SAP na tumingin lamang sa mga lehitimong source ng impormasyon tulad ng mga official website at social media page ng gobyerno na mayroong verification check marks.

Narito ang opisyal na Facebook page ng DSWD:
https://web.facebook.com/dswdserves

Samantala, kasunod ng mga ulat ng phishing scams na target ang mga SAP recipient, pinaalalahanan ng DSWD ang SAP beneficiaries na iwasan ang pagbibigay ng kanilang M-PIN, One-Time PIN (OTP) o iba pang impormasyon sa mga taong nagpapanggap na bahagi ng financial service providers (FSPs) o ng kagawaran.

Sinabi ng kagawaran na patuloy silang maglalabas ng abiso para maalerto ang publiko laban sa mga pekeng impormasyon tungkol sa SAP.

Read more...