May binabantayang isang tropical depression ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang bagyo sa layong 1,510 kilometers Silangang Hilagang-Silangan ng extreme Northern Luzon bandang 2:00 ng hapon.
Hindi aniya inaalis ang posibilidad na pumasok ang bagyo sa teritoryo ng bansa sa susunod na 24 oras.
Gayunman, sinabi ni Clauren na hindi magkakaroon ng direktang epekto ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa.
Samantala, umiiral pa rin ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa malaking bahagi ng bansa.
Bunsod nito, patuloy na magdadala ang ITCZ ng na maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Aurora, Quezon, Bicol, Mindoro provinces, Marinduque, Romblon at ibang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Asahan aniyang mararanasan ang nasabing lagay ng panahon, Miyerkules ng hapon hanggang gabi (August 12).