Panukala para bigyan ng insentibo at tax exemptions ang Government Financial Institutions, lusot na sa house panel

Pasado na sa House Committee on Ways and Means ang panukala para sa tax exemptions ng mga government financial institutions sa ilalim ng panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.

Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Sarte Salceda, inaprubahan nila ang GUIDE bill upang palakasin ang kapasidad ng mga GFIs sa pamamagitan ng pagbibigay ng incentives at exemptions.

Kabilang dito ang Philippine Guarantee Corp. (PGC), LandBank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP).

Sa ganitong paraan ay makakatulong ang GFIs sa mga negosyo na ipagpatuloy ang operasyon at panatilihin sa trabaho ang mga empleyado sa pamamagitan ng mas pinalawig pa na credit refinancing tulad ng pagpapautang, rediscounting at iba pang credit accommodation facilities.

Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng ARISE Inc. na siyang magbabalanse at magtatakda ng istriktong kondisyon sa mga negosyo at pautang sa mga MSMEs.

Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill ay ililibre ang mga transaksyon sa DBP, LandBank at ang special holding company gayundin ang mga subsidiaries sa pagbabayad ng documentary stamp tax, capital gains tax, creditable withholding income tax, value-added tax, gross receipts tax, at iba pang buwis na itinatakda ng National Internal Revenue Code of 1997.

Read more...