Balik na ang libreng sakay sa Makati

bus makati erwin
Kuha ni Erwin Aguilon

Balik na sa Metro Rail Transit (MRT) ang bus ng Makati City Government na nagbibigay ng libreng sakay sa mga pasahero ng MRT na magtutungo at nagtatrabaho sa lungsod.

Ito ay kasunod ng batikos kay Makati City Acting Mayor Kid Peña dahil sa pagpapatigil sa nasabing serbisyo.

Bago mag-alas 6:00 ng umaga, dalawang bus na ng Makati ang nasa MRT North Avenue Station ang naghihintay ng maisasakay na pasahero patungo sa lungsod.

Kahapon ay napaulat na sinuspinde ni Peña ang pagpapatupad ng free shuttle rides. Ayon kay Peña, pansamantala lamang ang suspensyon habang pinag-aaralan niya ang kontrata ng mga casual employees sa Makati City Hall kung saan kabilang ang mga driver ng bus.

Dahil sa ginawang suspensyon, tinawag ng tagapagsalita ng mga Binay na si Joey Salgado si Peña bilang isang diktador. Ang ginawang suspensyon aniya sa libreng sakay para sa mga nagtatrabaho sa Makati ay malinaw na ebidensya ng pagiging manhid at palpak ng Liberal Party.

Binalingan naman ni Peña si Salgado sa pagsasabing hindi dapat nito binabatikos ang kasalukuyang pamunuan sa Makati City Hall dahil doon pa rin ito kumukuha ng kanyang buwanang sahod. Ipinatawag ng acting mayor ng Makati si Salgado para magpaliwanag sa kanyang mga batikos. / Erwin Aguilon, Ruel Perez

Read more...