TD Enteng, bahagyang lumakas at bumilis; Isa pang LPA, posibleng maging bagyo sa susunod na 24 oras

Bahagyang lumakas at bumilis ang Tropical Depression Enteng habang tinatahak ang Southern Ryukyu Islands.

Sa severe weather bulletin, huling namataan ang bagyo sa layong 540 kilometers Northeast ng Basco, Batanes bandang 10:00 ng umaga.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.

Binabagtas ng bagyo ang direksyong pa-Hilaga sa bilis na 45 kilometers per hour.

Wala pa ring nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang parte ng bansa dahil malayo sa kalupaan ang bagyo.

Inaasahang lalabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility, Linggo ng hapon (August 9).

Samantala, namataan naman ang LPA sa layong 210 kilometers Kanlurang bahagi ng Iba, Zambales bandang 10:00 ng umaga.

Sinabi ng weather bureau na asahang lalakas pa ito at magiging bagyo sa susunod na 24 oras.

Patuloy pa rin namang umiiral ang Southwest Monsoon sa malaking bahagi ng bansa.

Dahil dito, iiral pa rin aniya ang monsoon rains sa Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Tarlac, at MIMAROPA.

Mga panandaliang pag-ulan naman ang mararamdaman sa Metro Manila, Aklan, Antique, at nalalabing parte ng Luzon.

Nakataas ang gale warning sa seaboards ng Pangasinan, Zambales, Bataan, western coast ng Batangas, western coast ng Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island, at western coast ng Palawan kasama ang Calamian Islands (2.8 to 4.0 m); Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, at Isabela (2.8 to 3.4 m).

Read more...