“Presidential debate gawing commercial-free” – ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

Inquirer Photo/LYN RILLION
Inquirer Photo/LYN RILLION

NAPAKAINAM pagkunan ng impormasyon ng taumbayan ang mga presidential debate. Nakikita natin ang tunay na karakter ng mga kandidato kaysa sa i-binebenta sa ating 30 o 60 second TV commercial.

At dahil public service ang Comelec presidential debates, hindi dapat naging prayoridad ang pagkakaperahan ng TV network. Isinaaalang-alang sana ang pangangailangan ng taumbayan sa mahalagang balita. Saan ka naman nakakita na ang TV commercial ay 46 mi-nutes sa dalawang oras na programa? Halos wala nang nasabi ang mga kandidato at wala ring narinig ang taumbayan.

Sa akin, mas detalyado dapat ang mga tanong sa mga problemang bayan, konkreto at realistikong plano kaysa mga personal na batikusan at mga isyung pang-eleksyon. Bigyan sila ng tig-limang minuto para magpaliwanag ng husto sa mga pangako ng paulit-ulit at napakamahal nilang TV ads. Alisin na rin ang mga “rebuttal” dahil nalilihis lang tayo sa kanilang tunay na plano.

Sa “crime at corruption.” Maipaliwanag sana ni Davao Mayor Duterte kung paano niya lulutasin ito sa loob lamang ng tatlong buwan. Mga konkretong plano, hindi motherhood statements.

Si Vice President Jejomar Binay ay dapat tanungin kung paano niya lulutasin ang krimen at corruption nang detalyado at hindi puro Makati lamang ang laman ng kanyang paliwanag.

Kay Sen. Grace Poe, itanong kung ano ang kanyang plano at hindi Freedom of Information law ang isinasagot niya.
Maidetalye rin sana ni Senador Miriam Santiago ang plano niya at hindi puro legal terms. At kay Sec. Mar Roxas naman, paano niya matitiyak na hindi lalala ang krimen at corruption sa idederetso niyang Tuwid na Daan at walang “analysis-paralysis.”

Sa kahirapan, narinig na natin na ang lahat na itutuloy at palalakasin ang Conditional Cash Transfer, pero ang detalyadong plano ng mga kandidato sa ekonomya upang magkaroon ng trabaho, kabuhayan ang marami nating naghihirap na kababayan ay wala pa.

Hinihintay ko ang kandidatong magsasabi na ibababa niya ang presyo ng mga public services ng gobyerno hindi lamang sa national level kundi sa lokal. Mag-apply ka lang ng trabaho, tagang-taga ka sa barangay, police, NBI clearances, sanitation, occupation, mayor’s permit, bukod pa sa nagtaasang passport, seamen’s book, drivers license, atbp. Idagdag pa rin ang VAT sa lahat ng bilihin at sobra-sobrang buwis sa bawat litro ng gasoline, diesel at iba pa.

Pati pasahe sa MRT,LRT1,LRT2, mataas na rin, hindi naman tumataas ang sweldo ng manggagawa.

Ano ang gagawin sa K-12 program at maraming public high school graduates ngayon ay di makakapag-enrol sa senior high school? Ano ang gagawin ng mahahalal na pangulo sakaling lusubin ng China ang barko natin sa Pag-asa Island? Ano ang gagawin niya kung lumapit ang mga malalaking negosyante para sa isang kontrata sa gobyerno na agrabyado ang maliit na mamamayan? Ano ang gagawin mo kapag nakikialam ang Simbahang Katoliko o INC sa iyong mga desisyon?

Ito ang gusto kong marinig na mga tanong sa mga kandidato sa susunod na debate. Hindi yung mga tanong na ang sagot ay memorized o kaya ay turo ng mga advisers o kaya’y may impluwensya ng TV network o Comelec.

At inuulit ko, please, wala na sanang commercials para lubusan nating mapakinggan ang paliwanag ng bawat presidentiable.

Read more...