Bigong BBL, sanhi ng gulo sa Lanao del Sur – MILF

 

Inquirer file photo

Itinuturo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang hindi pagsasa-batas ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na dahilan ng sagupaan ng mga sundalo at armadong grupo sa Butig, Lanao del Sur.

Ayon kay MILF vice chairman Ghadzali Jaafar, taliwas sa mga impormasyong naiulat, ang mga kalaban ng mga sundalo ngayon sa Butig ay hindi mga bandido o terorista, kundi mga Moro.

Dismayado aniya ang mga Moro dahil puro pangako lamang ang pamahalaan kaugnay sa peace negotiations, ngunit wala namang naisasakatuparan.

Sinang-ayunan rin ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Sec. Teresita Deles ang dahilan ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at armadong kalalakihan sa Mindanao.

Ayon kay Deles, malaki ang pagka-dismaya ng mga taga-Mindanao sa hindi pagkaka-pasa ng BBL, na nag-bigay ng mas malakas na dahilan para sa pag-laganap ng terorismo.

Giit ni Jaafar, dahil malapit ang satellite office ng MILF sa Butig, alam nila na hindi mga terorista ang mga umatake sa Lanao del Sur.

Una nang sinabi ni Philippine Army Western Mindanao Command spokesperson Maj. Filemon Tan, na ang mga umatake ay grupong pinangungunahan ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute.

Ang magkapatid aniya ay pawang konektado sa teroristang grupong Jemaah Islamiyah.

Dagdag ni Jaafar, hindi rin nila mapipigilan ang kanilang mga miyembro na malapit sa Camp Bushra at Camp Palestine, na mga kaanak ng mga Maute na makisali sa gulo.

Para kay Jaafar, ang nakikita lang nilang tanging dahilan para matigil na ang gulo sa Lanao del Sur ay ang maisakatuparan na ang Bangsamoro government.

Read more...