Kampo ng MILF sa Lanao del Sur, binuksan para sa mga evacuees

 

Binuksan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang isa sa kanilang mga kampo para sa mga lumilikas na residente dahil sa nagpapatuloy na sagupaan sa pagitan ng mga militar at armadong grupo sa Lanao del Sur.

Ayon sa pahayag ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), naging posible ang pag-kupkop ng MILF sa mga evacuees dahil sa naging kasunduan sa pagitan nila at ng gobyerno.

Ang mga lumikas na residenteng apektado ng bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga armadong kalalakihan ay dinala muna sa Barangay Sandab sa bayan ng Butig, na kilalang kuta ng isang sangay ng MILF na Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), at kung saan rin nag-oopisina ang kanilang peace negotiating panel.

Sinabi pa ng OPAPP na tiniyak ng miyembro ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) na si Ameruddin Usman na ipinaalam nila sa front commander ng lugar ang pag-kupkop sa mga evacuees.

Ani Usman, nasa 500 pamilya na ang ligtas na nailikas sa Brgy. Sandab, habang marami pang ibang pamilya ang pumunta naman sa kanilang mga kaanak sa ibang barangay na malayo sa ginaganapan ng engkwentro.

Ayon naman kay Maj. Carlos Sol Jr. na pinuno ng sangay ng gobyerno sa joint ceasefire committee na may sapat na pasilidad ang Brgy. Sandab para magsilbing panandaliang tuluyan ng mga residente.

Una nang nagdesisyon ang BIAF na i-reposition ang kanilang mga tropa sa Butig para maiwasan ang misencounter sa mga sundalo ng pamahalaan.

Sa pamamagitan nito, binigyan ng BIAF ang mga tropa ng gobyerno ng mas malawak na kalayaan para supilin ang mga teroristang naka-sagupaan ng mga ito.

Read more...