Hindi muna dapat mag-boxing si Pacquiao-Commissioner Guanzon

 

Hindi magiging patas sa iba pang mga kandidato ang exposure na matatamasa ni people’s champ Manny Pacquiao kapag ipinalabas ang kaniyang laban kontra Timothy Bradley Jr. dito sa bansa.

Bagaman ayaw niyang pangunahan ang Commission on Elections (COMELEC), sa pananaw ni Commissioner Rowena Guanzon, maaring may kaharaping mga kaukulang parusa si Pacquiao sakaling mapatunayang lumabag siya sa Fair Election Act.

Ayon kay Guanzon, tulad ng mga artistang pinagbabawalang gumawa ng pelikula habang kumakandidato, dapat rin aniyang huwag muna sumalang sa ring si Pacquiao habang siya’y nangangampanya sa pagka-senador.

Nakatakda ang laban ni Pacquiao kay Bradley sa April 9, eksaktong isang buwan bago ang halalan sa May 9.

Una nang nagpahayag si Pacquiao ng kahandaan na i-urong ang kaniyang laban kung ito ay lalabag sa patakaran sa eleksyon, pero sa ngayon ay patuloy pa rin ang kaniyang pagsasanay.

Ani Guanzon, maari naman siyang lumaban dahil karapatan niya ito, ngunit magkakaroon na ng problema oras na ipalabas ito sa mga telebisyon sa bansa.

Nagsabi na rin ang COMELEC na pag-aaralan nila ang posibleng pag-labag na magagawa ni Pacquiao sa kaniyang laban.

Ngunit, iginiit ni Chairman Andres Bautista na mas nais niyang harapin at aksyunan ito kung mayroon nang mga reklamo kaysa naman mag-isang pakilusin ang ahensya sa isyung ito.

Read more...