Labis na nadismaya si Senator Joel Villanueva sa mga opisyal ng Philhealth sa kabiguan ng mga ito na magbigay ng sapat na sagot sa mga isyu ng katiwalian sa ahensiya.
Pinuna din nito ang tila pag-iwas ng mga opisyal na sagutin maging ang mga simpleng tanong, tulad ng halaga ng ginagastos sa ospital ng isang COVID 19 patient.
Ipinagtataka din ni Villanueva ang pagpupumilit ng ilang Philhealth board members na iendorso ang P750 milyon budget gayun wala pang audit sa kanilang IT equipment.
Lumalabas aniya na hindi lubos na nagagawa ng Philhealth ang kanilang mandato sa usapin ng pagpapatupad sa Universal Health Care law.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa mga bagong anomalya sa Philhealth, nabunyag din ang isyu ng ‘favoritism’ sa usapin ng cash advances sa mga ospital na mababa o halos walang kaso ng COVID 19.
Nalaman din sa pagdinig na maging mga pasilidad na hindi naman naitalagang COVID 19 referral centers ay nabigyan ng pondo ng Philhealth.