Website ng UST Hospital, na-hack

ust hospital site hacked

Sinalakay ng isang grupong “Global Security Hackers” ang website ng University of Sto. Tomas Hospital.

Ito ay upang ipaglaban ang hindi pagtanggap ng naturang ospital sa isang babaeng manganganak na dahil sa kawalan ng pambayad ng kanyang asawa sa hinihinging deposito na nagkakahalagang P20,000.

Nakasaad sa mensaheng mababasa sa website ng UST Hospital na iniwan ng naturang grupo ng mga hacker ang pagtanggi ng hospital resident na si Dr. Anna Liezel Sahagun na i-admit si Siarra Pelayo na manganganak na noong February 19.

Dahil hindi pa makapagbabayad ng P20,000 bilang deposito ang asawa ni Siarri na si Andrew Pelayo, sinabihan sila ni Sahagun na lumipat na lamang sa government hospital sa kabila ng maselan nang kalagayan ng manganganak na misis.

Sa Facebook post ni Andrew na agad nag viral sa social media, nakasaad dito na matapos silang hindi tanggapin sa UST Hospital ay nagtungo na sila sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila.

Ngunit agad din aniya silang bumalik sa UST Hospital nang malaman nilang walang available na incubator sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Nang makabalik na sila sa UST, sinabi naman sila na magpunta sa East Avenue Medical Center sa Quezon City kung saan sumailalim na sa operasyon si Siarri ngunit hindi na naagapan pa ang kanilang sanggol.

Narito ang mensahe na mababasa website ng UST Hospital:

“Napakamali ng iyong ginawa Dra. Sahagun Sumumpa ka sa iyong tungkulin para magligtas ng Buhay, Hindi Unahin ang Pera, Isa itong malaking paglabag sa iyong Sinumpaang Tungkulin at Hindi namin ito hahayaan na mabali wala lang,” ayon sa Global Security Hackers.

Nananawagan din ang grupo sa mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.

“Ito rin ay isang mensahe sa ating kinauukulan na Magsagawa ng imbestigasyon sa pangyayaring ito. Kami ay taimtim na nakikiramay sa mga naulila,” ayon sa grupo.

Sa ngayon ay wala pa rin inilalabas na pahayag si Sahagun at maging ang pamunuan ng UST Hospital sa akusasyon ng mga Pelayo.

Read more...