Ayon kay Mayor Isko Moreno, alinsunod sa City Ordinance No. 8627, isang pasahero lamang ang papayagang sakay ng tricycle at kailangan parehong nakasuot ng face mask ang drayber at pasahero.
Ibinahagi pa nito na dati siyang pedicab driver bago pumasok sa showbiz at pulitika.
“Kaya sa lahat ng kaanak niyo, maghanap buhay kayo sa tatlong gulong. Mayroon lang akong pakikisuyo: tupdin natin ang panawagan ng IATF. Hangga’t maaari, isang pasahero lang,” pahayag ng alkalde.
Layon aniya nitong makatulong sa mga tricycle, pedicab at e-trike driver dahil libu-libong kabuhayan ang naapektuhan bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Let me be clear about this. Para matulungan sa loob ng Maynila ang mga empleyado, lalo na ang mga medical health workers natin na magkaroon ng access sa sasakyan,” ani Moreno.
“(Para na rin) matulungan natin ang ekonomiya at maproteksyunan ang kabuhayan ng mga nahihirapan nating kababayan na silang may mapaghiramunan, mabawasan ang suliranin, at matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” dagdag pa nito.
Batay sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, tatagal ang MECQ sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan hanggang August 18, 2020.