Umakyat na sa 33 ang empleyado ng Kamara ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, pinakahuli rito ay ang isang miyembro ng security staff.
Nagpositibo ito sa sakit matapos na sumailalim sa rapid test sa SONA screening noong July 27 at nakumpirma din na may COVID-19 sa resulta ng PCR o swab test.
Ang nasabing empleyado ay tumulong pa sa paghahanda ng Kamara sa SONA noong July 21 at 23.
Samantala, ang ikalawang bagong kaso naman ay nakatalaga sa Administrative Department.
Sumailalim ito sa test nitong August 1 matapos makaranas ng panunuyo at pananakit ng lalamunan.
Nagpakonsulta din ito sa Medical at Dental Services ng Batasan noong July 29.
Nagsasagawa na ng contact-tracing sa mga nakahalubilo at kasamang empleyado ng mga ito.