COVID-19 cases sa Singapore, higit 53,000 na

Mahigit 200 ang bagong naitalang kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Singapore.

Batay sa anunsiyo, sinabi ng Ministry of Health sa Singapore na nakapagtala ng karagdagang 226 na kaso hanggang 12:00, Lunes ng tanghali (August 3).

Karamihan anila sa mga bagong kaso ay Work Permit holders na nakatira sa foreign worker dormitories.

“Based on our investigations so far, there is one case in the community involving a Prison inmate on Short-Term Visit Pass,” ayon pa sa Ministry of Health ng naturang bansa.

Dumating anila ito sa Singapore bago ang implementasyon ng border measures.

Inihiwalay na anila ang pasyente sa iba pang preso simula nang mapasok sa Changi Prison Complex noong July 30.

Maliban dito, mayroon ding siyam pang imported case na inilagay sa Stay-Home Notice o isolation pagkadating sa Singapore.

Sa ngayon, inaayos pa anila ang karagdagan pang detalye sa mga bagong kaso.

Sa kabuuan, pumalo na sa 53,051 ang confirmed COVID-19 cases sa Singapore.

Read more...