“Pag-doktor” ng DOH sa COVID-19 cases pinuna ni Sen. Pangilinan

Binalaan ni Senator Francis Pangilinan ang DOH sa sinabi niyang pangdo-‘doktor’ sa bilang ng mga kaso ng COVID 19 para lang ipakita na napapagwagian ng gobyerno ang giyera laban sa nakakamatay na sakit.

“May himala ba? May madyik? Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” tanong ng senador.

Reaksyon ito ni Pangilinan nang itala ng DOH ang 38,075 single day recoveries kahapon matapos ang sinasabing “enhanced data reconciliation efforts with local government units.”

Aniya ginugulo ng DOH ang datos sa pamamagitan ng pagsasama sama ng bilang ng ‘mild patients’ sa mga aktuwal na gumaling na sa sakit.

Pangamba ng senador delikado ang panibagong interpretasyon ng kagawaran dahil maaring magbigay ito ng ‘false sense of security’ na sa mga pasyente na magaling na sila kahit walang kumpirmasyon sa swab test result.

“Makakapanghawa at mas maraming magkakasakit pag ang maysakit ay tinawag na ‘recovered’ kung hindi naman ito na-test. Patayin ba ang taumbayan ang gustong mangyari ng gobyerno?” aniya.

Dagdag pa nito, “Tama si Vice President Leni, ang unang hakbang para masolusyunan ang COVID-19 ay tama at kumpletong impormasyon sa lalong madaling panahon. We need accurate and complete data as soon as possible.”

 

 

 

 

 

Read more...