Free Pasig River Ferry balik-operasyon na sa August 3

Magkakaroon na ng partial operation ang Pasig River Ferry Service simula sa darating na Lunes, Agosto 3.

Ito ang inanunsiyo ni MMDA Chairman Danny Lim at aniya mananatiling libre ang pasahe.

Ngunit ayon kay Lim kalahati lang ng kapasidad ng ferry boat ang isasakay na bilang ng mga pasahero at ang pagbabalik operasyon ay sa mga istasyon muna ng Pinagbuhatan, San Joaquin, Guadalupe, Valenzuela, Lawton at Escolta.

Lunes hanggang Sabado simula ala-6 ng umaga hanggang ala-6 ng gabi.

Dagdag pa ni Lim nagkaroon na ng disinfection sa lahat ng ferry stations at ferry boats, kasama na ang mga docking and maintenance facilities.

Naglagay na rin ng floor markings, stickers at posters sa mga ferry stations para magsilbing paalala sa mga pasahero na kailangan obserbahan ang physical distancing.

Ayon naman kay MMDA Deputy Chairman Frisco San Juan Jr., nagtakda na rin sila ng standard operating procedures.

Aniya hindi pasasakayin ang walang suot na mask, ang mga pasahero na may sipon, ubo at body temperature na higit sa 37.5 degrees Celsius ay hindi pasasakayin at tanging ang mga may edad 21 hanggang 59 lang ang maaring sumakay.

Bago din pumasok sa ferry boat ay sasailalim ang pasahero sa temperature check at kailangan nilang mag-fill out sa manifest form at commuter information sheet sakaling kailanganin sa contact tracing.

Magugunita na nahinto ang operasyon ng ferry service noong Marso 17 nang pairalin ang enhanced community quarantine sa Metro Manila.

 

 

Read more...