Sa pag-tungo ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa University of Cebu-Banilad campus, pinayuhan niya ang mga botante na mahalagang alamin nila ang karanasan ng kanilang ibobotong kandidato dahil may ilan aniyang malakas ang loob tumakbo kahit baguhan pa lamang.
Inulit naman ni Santiago na ang dapat na mahalal bilang susunod na pangulo ay ang may academic, professional at moral excellence.
Si Sen. Grace Poe naman kasama ang Partido Galing at Puso (PGP) ay bumisita sa Tacloban City, kung saan pumalag siya sa mga banat tungkol sa kaniyang kakulangan sa karanasan.
Ani Poe, hindi dapat minamaliit ang mga baguhan lamang o “OJT” na itinuturing, tulad ng itinawag sa kaniya ni Liberal Party bet Mar Roxas sa presidential debate.
Dito niya rin sinabi na bukas naman siya sa pagpapa-libing sa dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, basta’t wala itong masasagi na anumang batas kaugnay naman sa mga human rights victims.
Ang tambalang Mar Roxas at Camarines Sur Rep. Leni Robredo ng Liberal Party naman ay pumunta sa Zamboanga del Sur kung saan mistulang muling binuhay ni Roxas ang pagiging “Mr. Palengke”.
Sa kanila namang pag-harap sa mga lokal na opisyal at mga residente, muling ginamit ni Roxas ang pagkukumpara ng mga kandidato sa mga drivers na magha-hatid sa kanilang mga anak tulad ng ginawa niya noon sa presidential debate.
Matatandaang pinapili niya ang mga nanood kung sino ang pipiliin nila, ang driver na mainitin ang ulo, ang driver na baguhan lamang at nag-aaral pa lang mag-maneho, ang driver na kilala nang nag-nakaw noon, o ang driver na sanay na at matagal nang nagma-maneho.
Ngayong araw naman tutungo si Davao City Mayor at presidential aspirant Rodrigo Duterte sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat sa Maguindanao.
Pupulungin niya ang mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) tungkol sa mga problema sa Mindanao at sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na bigong maisabatas ng kasalukuyang administrasyon.
Sa kaniyang pag-bisita sa Cebu kahapon, binanatan ni Duterte ang administrasyong Aquino sa kabiguan nitong magkaroon ng makabuluhan at pang-matagalang solusyon sa mga problema sa Mindanao, tulad na lamang ng BBL.
Ipinagpatuloy naman ni Vice President Jejomar Binay ang kaniyang pangangampanya, kasama ang ka-tandem na si Sen. Gringo Honasan at kanilang mga pambato sa United Nationalist Alliance (UNA) sa ibang bayan sa Quezon.
Pumunta sila sa mga bayan ng Lucban at Mauban, pati na sa lungsod ng Tayabas.
Dito nangako ang kampo ni Binay, partikular na ang mga Abogado ni Binay (Anib), na isang grupo ng mga abogadong handang ipagtanggol ang Bise Presidente mula sa mga naninira sa kaniya lalo na ang mga nasa likod ng ‘Oplan Nognog’.