Mga aksidente ng bus sa EDSA busway, idinepensa ng MMDA sa Kamara

Kinuwestyon ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento ang paglalagay ng barriers na itinuturong dahilan ng mga aksidente gayundin ang speed limit ng mga bus sa EDSA.

Sa pagdinig ng komite, dumipensa si Metro Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia sa pagsasabing ‘isolated incident’ lamang ang mga naganap na aksidente sa major thoroughfare.

Nilinaw pa ni Garcia na pawang mga nakainom, nagte-text at wala sa focus ang mga naitala nilang aksidente sa EDSA kung saan walang kinalaman ang paglalagay nila ng barriers.

Inilagay aniya ang barriers sa loading at unloading areas upang protektado ang mga commuters.

Hindi din aniya dapat isisi ang mga aksidente sa paglilipat ng lane ng bus sa EDSA dahil sumusunod sa international standard ang sukat ng bus na 2.5 hanggang 2.8 meters sa 3.5 meters naman na sukat ng lane.

Paliwanag nito, mula June 1 nang payagan muli ang pagbiyahe ng bus sa EDSA ay anim lamang ang naitalang aksidente sa bus mula sa 30,000 bus trips habang 39 naman ang naitalang aksidente mula sa 5 milyong motorcycle at private vehicle trips sa loob ng isang buwan.

Read more...